14-anyos stude dinedo ng sikyu sa concert

MANILA, Philippines -  Napatay ang 14-anyos na binatilyong estudyante makaraang barilin ng isang miyembro ng peace and order security sa masayang concert sa gymnasium ng eskuwelahan sa bayan ng Lagawe, Ifugao noong Miyerkules ng gabi.

Idineklarang patay sa Natulowan Hospital ang biktimang si Ethan Ryo Anselmo Sia na tinamaan ng bala sa kanang bahagi ng ulo.

Arestado naman at nakatakdang kasuhan ang suspek na si Michael Dinamling, 45, miyembro ng Public Order and Safety Committee sa nasabing bayan.

Sa ulat ng Cordillera Police na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa benefit concert sa open gymnasium ng Lagawe Central School sa  Poblacion South dakong alas–10:20 ng gabi.

Base sa imbestigasyon, nanonood ng concert ang binatilyo sa kaliwang bahagi ng gymnasium nang biglang lapitan at napagtripang barilin ng suspek.

Nagawa namang maagaw ng mga nanonood ng concert ang cal. 38 revol­ver ng suspek at inaresto ng taumbayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang motibo sa pamamaslang.

Show comments