40 atleta, opisyal ng CAVRAA na-food poison

TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines -  Umabot sa 40 atleta at opisyal ng Santiago City sa idinaraos na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet ang isinugod sa ospital matapos bumaliktad ang sikmura sa pinaniniwalaang food poisoning sa Ilagan City, Isabela noong Linggo ng gabi. ?

Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay naisugod sa Governor Faustino Dy Sr. Memorial Hospital matapos makaranas ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka at pagtatae dakong alas-8 ng gabi.?

Pinaniniwalaang nalason ang mga biktima sa kinaing panis na kanin na isinilbi sa hapunan ng kanilang cook sa delegasyon.?

Gayunman, mariing iti­nanggi ng City Schools Division Supt. ng Santiago City na si Florante Vergara na sa pagkain nila nag-ugat ang pagkalason ng kanilang delegasyon. ?

Sinisi ni Vergara ang mga nagtitinda ng street foods sa labas ng Ilagan City Sports Complex na binibilhan ng kanyang mga atleta. ?

Idinahilan din ng opis­yal na ang pagduduwal at pananakit ng kalamnan ng kanyang mga kasamahan ay maaring pagsanib ng masamang espiritu na namamahay sa mga lumang gusali ng Isabela National High School kung saan sila nanunuluyan.

Show comments