Konsehal patay sa shootout; pito katao huli sa pot session

MANILA, Philippines - Patay ang isang konsehal habang pito katao naman ang nadakip sa aktong nagpa-pot session sa isinagawang buy bust operations ng pulisya sa Biñan City, Laguna nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang napatay na suspek na si Arlan Arcega, konsehal sa Barangay Dela Paz ng lungsod at nasa drug watch list ng pulisya.

Arestado naman habang nagpo-pot session ang mga drug users na sina Engracio Mendoza, 54; Ryan Paul Marcilla, 35; Dancel Reas, 21; Krisian Sison, 34; Edison Maximo, 42; Ricky Manago, 20 at Jojie Mendoza, 30 taong gulang.

Sa ulat ni Acting Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Joel Pernito, dakong alas-11:45 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang mga awtoridad sa lugar.

Ayon sa  opisyal, isang poseur buyer ng pulisya ang nagpanggap na bibili ng droga kay Arcega na matagal nang isinasai­lalim sa surveillance ope­ration sa illegal nitong aktibidad pero nakatunog ito.

Agad namang bumunot ng armas ang suspek at pinaputukan ang mga operatiba pero napuruhan ito sa palitan ng putok at binawian ng buhay habang isinusugod sa pagamutan.

Samantalang hindi na nakapalag sa pulisya ang pitong drug users  na parukyano ng suspek na nahuli sa pot session.

Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol, ilang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Show comments