Retiradong pulis, itinumba

CAVITE, Philippines – Napatay ang 57-anyos na retiradong pulis matapos itong pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki habang nagkakape sa terminal ng pampasaherong van sa Barangay San Agustin 1, Dasmariñas City, Cavite kahapon ng umaga. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si ex-SP03 Antonino Amores, may asawa, at nakatira sa Barangay Santol sa bayan ng Silang, Cavite. Sa police report na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nagkakape ang biktima bago mamasada ng kanyang van sa  Balibago Turbina Terminal nang lapitan at ratratin ng gunman. Tumakas ang gunman lulan ng motorsiklo habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments