Pekeng dentista, timbog

MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga ope­ratiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group Region IV-A ang 47-anyos na pekeng dentista sa isinagawang entrapment operation sa Batangas City, Batangas kamakalawa.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Victor Deona, kinilala ang suspek na si Dallay Macalalad.

Bandang alas-11:45 ng tanghali nang masakote si Macalalad sa Barangay Kumintang Ilaya, Batangas City sa pangunguna nina  P/Chief Inspector Armie Agbuya ng Batangas CIDG at ng mga kinatawan ng Philippine Dental Association, Batangas Chapter.

Lumilitaw na nakatanggap ng reklamo ang mga awtoridad kaugnay sa mga palpak na serbisyo ng suspek sa kaniyang mga kli­yente.

Agad namang isinailalim sa surveillance operations ang suspek kaya nasakote sa aktong nagsasagawa ng dental procedure sa isang poseur patient ng CIDG.

Kasalukuyan naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong dental malpractice dahil sa kawalan ng lisensya bilang dental practitioner.

Show comments