Mag-asawang matanda kinatay

MANILA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda matapos itong tadtarin ng saksak ng mga hindi kilalang lalaki sa bulubunduking bahagi ng Barangay Camili sa bayan ng Alcantara, Romblon, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Romblon Police, ang bangkay ng mag-asawa ay nadiskubre dakong alas-7 ng umaga ng kanilang kapitbahay nitong Sabado.

Huling namataang buhay ang mag-asawang Felix Baraca, 64; at Ofelia Baraca, 79, noong Martes matapos na bumaba sa kabayanan.

Pinaniniwalaang naganap ang krimen may ilang araw na ang nakalipas base sa kondisyon ng pagkatuyo ng dugo ng mga biktima kung saan nagsisimula na ring maagnas ang bangkay ng mga ito.

Bukod sa mga saksak sa katawan ay nagtamo rin ng mga pukpok sa ulo ang mag-asawang matanda.

May teorya ang mga awtoridad na dalawa hanggang tatlong kalalakihan ang pumaslang sa mag-asawa base sa nakitang mga bakas ng paa sa crime scene.

Show comments