Hardinero kisay sa kuryente

NUEVA ECIJA, Philippines – Patay ang 52-anyos na hardinero matapos itong makuryente habang nag-iigib ng tubig sa itinatayong floating restaurant sa Barangay Bagong Silang sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija noong Linggo ng umaga. Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center Tala­vera Extension Hospital ng biktimang si Pedro Hizon y Galang ng Barangay Bantug. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nag-iigib ng tubig sa poso ang biktima nang masagi nito ng talop na linya ng kuryente na nakasabit sa kahoy na poste sa dinaraanan patungo sa kanilang barracks. Nagkikisay ang biktima kung saan sinaklolohan naman ng dalawang kasamahan at agad na isinugod sa nasabing ospital subalit idineklarang patay.

Show comments