90 kabahayan winasak ng buhawi

MANILA, Philippines – Umaabot sa 90 kabahayan ang napinsala matapos manalasa ang malakas na buhawi sa Koronadal City at mga bayan ng Santo Niño at Banga sa lalawigan ng South Cotabato kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) 12, nagulantang na lamang ang mga residente sa paghagupit ng buhawi sa Brgy. Banga, Koronadal City at maging sa bayan ng Santo Niño.

Ito’y sa gitna na rin nang pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan na nararanasan sa lalawigan.

Karamihan sa mga nawasak na kabahayan, ayon sa ulat ay gawa sa mahihinang uri ng materyales.

Bukod dito ay marami rin sa mga punongkahoy ang nabuwal lalo na ang mga punong saging.

Namahagi na ng relief goods sa mga naapektuhang residente ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Show comments