Magsasaka tinadyakan ng kaibigan, patay

CEBU CITY, Philippines - Napatay ang 60-anyos na magsasaka matapos itong tad­yakan ng isa sa dalawang babaeng nag-aaway na inawat ng una  sa Sitio Lagtang, Barangay OcaOca, Carcar City, Cebu noong Miyerkules ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Cebu Provincial Hospital ang biktimang si Cesar Fantonial matapos itong tadyakan ng suspek na si Rosarie Sarsa.

Nabatid na tinangkang awatin ng biktima ang nagsusuntukang sina Alicia Padin at Rosarie Sarsa nang matad­yakan sa kainitan ng away.

Ayon kay PO2 Madison Singco, lumilitaw na namataan ng biktima ang dalawa na nagsusuntukan at bilang miyembro ng Lupong Tagapamayapa sa nasabing barangay ay tinangka nitong awatin.

Gayon pa man, hinatak ng biktima ang braso ni Padin subalit sa hindi inaasahan ay matinding tadyak ang inabot nito kay Sarsa kaya ito bumulagta.

Natigil lamang ang suntukan ng dalawa nang mapansin na hindi na gumagalaw ang biktima habang nakadapa sa kalsada.

Ayon kay Christopher Enad, sina Sarsa at Fantonial ay matalik na magkaibigan at magkapitbahay sa nasabing barangay.

Naniniwala naman ang mga doctor sa nasabing ospital na inatake sa puso ang biktima matapos itong tadyakan ni Sarsa.

Hindi naman makapaniwala si Sarsa na mapapatay niya ang kaibigan dahil sa matinding tadyak.

Kasalukuyang nakakulong si Sarsa sa himpilan ng pulis­ya at pormal na kakasuhan. Freeman News Service

Show comments