CIDT agent, itinumba

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime operatives (SOCO) ang duguang katawan ni Joel Lim matapos itong pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw. Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Pinabulagta ang 39-anyos na confidential agent ng Criminal Investigation and Detection Team matapos itong pagbabarilin ng mga  di-kilalang lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo sa madilim na bahagi ng Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Napuruhan sa ulo ang biktimang si Joel Lim ng Barangay Bulihan at dating miyembro ng Task Force Matang Lawin sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO1 Johnson Morecho, pauwi na ang biktimang lulan ng motorsiklo mula sa himpilan ng pulisya nang sundan ng apat na kalalakihang lulan ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Blas Ople Diversion Road.

Kaagad na pinaputukan ang biktima kung saan nagawa pa nitong makipagbarilan subalit sumemplang dahil sa ilang tama ng bala ng baril.

Sinigurong hindi na mabubuhay kaya muling pinagbabaril ang biktimang duguang nakabulagta sa highway.

Narekober ang 40 basyo ng bala mula sa FN-101 machine pistol habang tinangay naman ng gunmen ang cal. 45 pistol ng biktima.

Show comments