Graft vs ex-Davao Oriental officials

MANILA, Philippines - Nahaharap sa kasong graft ang mga dating opisyal ng lokal na pamahalaan ng Davao Oriental dahil sa maanomalyang pagbili ng heavy equipment na nagkakahalaga ng P15 milyon noong 2005.

Iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na kasuhan sina dating Boston mayor Ramie Rosit; municipal vice-mayor Amie Monredondo; councilors Judith Castres, Luisa Alac, Juvenil Linaza, Wilfredo Jubac, Levira Lintogonan, Norberto Dumaguete, Allen De Jesus, at Marcial Plaza; Association of Barangay Councils president Nilo Rosit; at Sangguniaang Kabataan Municipal Federation President Sotelo Vincent Cabrera.

Lumabas sa Commission on Audit (COA) report na nag-loan ang lokal na pamahalaan ng Boston ng  P15 milyon sa Philippine National Bank upang ipambili ng motor grader at wheel loader.  

Ayon sa COA walang public bidding na isinagawa ang bayan ng Boston sa pagbili ng mga naturang kagamitan.

Nalaman din na hindi naghanap ng mas murang halaga ang lokal na pamahalaan sa pagbili ng heavy equipment.

Ibabasura na ang kaso laban kay Plaza na nasawi noong 2009.
 

Show comments