Mister nanapak ng 11-anyos, itinumba

MANILA, Philippines - Napatay ang 35-anyos na mister na sinasabing na­napak ng 11-anyos na totoy matapos itong saksakin ng ama ng bata sa Barangay Manat, bayan ng Binmaley, Pangasinan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Reynaldo Biay na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Andrew Velasco na idineklarang patay sa Region 1 Medical Center.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang 42-anyos na suspek na si Alfredo Sanchez.

Sa imbestigasyon, naganap ang krimen dakong alas- 9:30 ng gabi matapos magsumbong ang anak sa kaniyang ama dahil sa pananapak at pagbatok ng biktima sa bata.

Kaagad na sinugod ng suspek ang biktima kung saan inabutan nito sa paa-nan ng Manat Bridge.

Sumiklab ang mainitang komprontasyon hanggang sa magsuntukan ang dalawa na nauwi sa pananaksak ng suspek.

 

Show comments