BIFF attack: 1 sundalo patay, 3 pa sugatan

MANILA, Philippines – Isang sundalo ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan matapos paulanan  ng bala ng mga umatakeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters  (BIFF) ang dalawang Army detachment sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat kahapon ng ma­daling-araw.

Gayunman, tumanggi muna si Captain Jo-ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID) na tukuyin ang pangalan ng nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan ang pamilya nito.

Bandang ala-1 ng madaling araw nang magkakasunod na paulanan ng bala ng hindi pa madeterminang bilang ng BIFF rebels ang Kulasi detachment sa Brgy. Kulasi at Sumilao detachment sa Brgy. Katiku; pawang ng Army’s 33rd Infantry Battalion (IB) sa nasabing bayan.

Sa kabila ng sorpresang pagatake ay mabilis na nagdepensa ang tropa ng mga sundalo na nakipagsagupa sa umaatakeng BIFF.

Ang palitan ng putok ay tumagal ng isang oras na ikinasawi ng isang sundalo at tatlo pa ang nasugatan na isinugod na sa pagamutan.

Nagsiatras naman ang BIFF na pinaniniwalaang nalagasan rin ng puwersa sa insidente.

Patuloy naman ang  pagtugis ng tropa ng pamahalaan laban sa BIFF ang tina­guriang ‘spoilers’ o nana­nabotahe sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng tiniwalagan ng mga itong grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

 

Show comments