Trader itinumba sa labas ng restaurant

Pinagtulungang suriin ng dalawang tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang ilang bala ng cal. 9mm pistol na tumama sa  napatay na trader sa labas ng restaurant sa Brgy. Sta. Cruz, bayan ng Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng hapon. (Kuha ni Boy Cruz)

BULACAN, Philippines – Pinabulagta ang 59-anyos na negosyante matapos itong pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa labas ng kilalang restaurant sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romualdo Dela Cruz, trucking hauler at re­sidente sa Barangay Bagong Barrio sa bayan ng Pandi, Bulacan.

Base sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Rolando Geronimo, dumalo sa pagpupulong ng mga truckers sa kanilang lugar ang biktima sa kila­lang restaurant sa nasabing barangay.

Matapos ang meeting ay papasakay na sana ang biktima sa pag-aaring Mitsubishi Montero na conduction sticker na NC-6029 nang biglang lapitan at pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki.

Mabilis na tumakas ang gunmen lulan ng itim na Toyota Vios patungo sa hindi nabatid na direksyon.

Nakarekober ng mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) ang ilang basyo ng bala ng cal.9mm pistol habang hindi naman tinangay ang cal. 45 pistol ng biktima.

Kasalukuyang sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa krimen ang mga pinautang na mil­yong halaga ng biktima kung saan responsable sa pagpatay para hindi na mabayaran ang pagkakautang.

Show comments