2 pulis itinumba ng drug pusher

BULACAN, Philippines – Pinabulagta ang dalawang pulis makaraang pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki na pinaniniwalaang mga drug pusher sa Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Dalawampu’t pitong bala ng cal. 45 pistol at cal. 9mm pistol ang tumapos sa buhay ng mga biktimang sina PO2 Arsil Nasir, 33, ng Barangay Minuyan-4; at PO1 Freddie Claro, 33, ng Towerville Subd. sa nasabing barangay at kapwa nakatalaga sa San Jose Del Monte City PNP.

Nabatid na si PO1 Claro ay may dismissal order at kasalukuyang nakaapela ito sa pamunuan ng PNP dahil sa kasong kinakaharap.

Sa imbestigasyon ni PO2 Eric Belarmino, ipinagbigay-alam ng isang residente sa nagpapatrolyang tropa ng pulis ang naganap na pamamaril  sa dalawang biktima bandang alas-11 ng gabi.

Kaagad namang rumes­ponde ang mga operatiba ng pulisya kung saan bumulaga sa kanila ang duguang mga biktima na nakahandusay sa nabanggit na lugar na sinasabing pinupugaran ng mga drug pusher.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol at cal. 9mm pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments