Mag-utol patay sa sunog

MANILA, Philippines - Masyadong maaga ang salubong ni kamatayan sa magkapatid na bata makaraang madamay sa nasunog nilang bahay sa Barangay Tayud, bayan ng Consolacion, Cebu kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Ralfh Balmores, 6; at Jerah Balmores, 5; kapwa nagtagpuang magkayakap na nagmistulang uling.

Sa ulat ng Cebu Fire Marshal, bandang alas-10:30 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat kaugnay sa nasusunog na bahay ng pamilya Balmores sa Sitio East Binabag sa nasabing bayan.

Ayon kay SFO1 Jemecerio Borris, fire investigator, nagsimula ang sunog sa kuwarto ng magkapatid na mabilis na kumalat at tumupok sa kabahayan.

Nabigo namang mailigtas ang dalawang bata dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.

Naapula naman ang sunog makalipas ang ilang oras matapos rumesponde ang mga bumbero.

Lumilitaw naman sa inis­yal na imbestigasyon na naglaro ng posporo matapos  pansamantalang iwanan ng kanilang mga magulang habang naglalaro sa silid.

 

Show comments