Misis kinatay, pinalakol ni mister!

MANILA, Philippines - Karumaldumal ang sinapit na kamatayan ng isang 25-anyos na misis matapos na tadtarin ng saksak at walang habas na palakulin ng kanyang sari­ling mister na nagtangka ring mag-suicide sa isang farm sa Tupi, South Cotabato kamakalawa.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktima na kinilalang si Rona Mae Villarubia habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan sa tinamong dalawang saksak sa dibdib ang suspek na si Argie Villarubia, 30.

Ayon kay Chief Inspector Larry Salcedo, hepe ng Tupi Police, halos maghiwalay na ang katawan ng biktima matapos na undayan ng saksak at paghahatawin ng palakol ng mister. Sasampahan ng kasong parricide ang suspek sa Lunes.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni Salcedo na naganap ang insidente sa Notre Dame Farm, Purok 10, Brgy. Poblacion dakong alas-9:30 ng umaga. Mabuti na lamang at nagkataong nasa kanyang lola ang 3-anyos na lalaking anak ng mag-asawa nang maganap ang krimen.

Ayon kay Salcedo, walang kaabug-abog na bigla na lamang dinaluhong ng patalim at pinagsasaksak ng mister ang misis nito. Hindi pa umano nakuntento ay pinagpapalakol pa ang ginang.

Nang mapatay ang asawa, tinangka naman ng suspek na magpakamatay nang tarakan nito ng dalawang beses ng patalim ang dibdib. Agad siyang isinugod sa Municipal Hospital sa Tupi at saka inilipat sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sinabi ni Salcedo na  dumaranas ng depresyon ang suspek na isang linggo na umanong hindi umiinom ng gamot at nadagdagan pa umano ito ng pagseselos na humantong sa karumal-dumal na krimen.

 

Show comments