Testigo sa killing ng reporter, itinumba

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapaslang ang pangunahing testigo sa pamamaslang sa isang reporter na may apat na taon na ang nakalipas matapos itong matiyempuhan ng gunmen sa bilyaran sa Digos City, Davao del Sur kamakalawa ng gabi. 

Sa ulat ng Digos City PNP na nakarating sa Camp Crame, napuruhan sa dibdib at baba ang biktimang si Ritchie Manapol, 34, pangunahing testigo sa kaso ng pagpatay kay Nestor Bedolido, reporter ng pahayagang Kastigador noong Hunyo 19, 2010.

Sa imbestigasyon, naga­nap ang insidente sa bilyaran sa panulukan ng Shrine Hills at MacArthur Highway dakong alas-7 ng gabi.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, tatlong di-kila­lang lalaki ang pumasok sa bilyaran na pag-aari ni Abe Palanca at pinaputukan ang biktima.

Nagawa pang makatakbo ang biktima sa kusina para magtago pero hinabol ito at muling pinutukan ng gunmen kung saan kaagad na nagsitakas lulan ng motorsiklo.

Pinaniniwalaang may kinalaman sa pagtestigo ng biktima sa korte sa kaso ni Bedolido.

Show comments