2 bata, driver, yaya kinidnap

MANILA, Philippines - Apat-katao kabilang ang magpinsang bata na sinasabing anak ng mga negosyante ang dinukot ng mga armadong kalalakihan kahapon ang umaga sa bayan ng Jolo, Sulu.

Kabilang sa mga binihag ay sina Mohammad Zaher, 10; Princess Raiza Karanain, 8; yaya ng isa sa mga ito na si Almalyn Abuhail, 18; at driver na si Saddam Amlih na pawang nakatira sa Barangay Alat.

Sa phone interview, sinabi ni Captain Ryan Lacuesta, Civil Military Operations Officer ng 2nd Marine Brigade, naganap ang insidente sa bisinidad ng Scott Road sa kapitolyo ng Jolo dakong alas-7 ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na ang mga biktima ay lulan ng sasakyan patungo sa eskuwelahan ng dalawang bata nang harangin ng mga armadong kalalakihan.

Walang nagawa ang mga biktima matapos na tutukan ng baril at puwersahang kaladkarin ng mga kidnaper pasakay sa jeepney.

Gayon pa man, namataan naman ang mga biktima na tinangay ng mga kidnaper patungo sa direksyon ng Barangay Anuling, bayan ng Patikul na sinasabing kilalang balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Hindi naman inaalis ang posibilidad na kagagawan ito ng mga bandido habang naglunsad na rin ng search and rescue operations ang tropa ng Philippine Marines.

 

Show comments