Vice mayor arestado sa pot session

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines   â€“ Nalalagay sa balag ng alanganing mapatalsik sa tungkulin at makulong ang vice mayor sa bayan ng Milaor, Camarines Sur makaraang arestuhin ng mga ope­ratiba ng Phil. Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pot session sa loob ng hotel kamakalawa ng gabi sa Barangay Balagtas, Naga City.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang suspek na si Vice Mayor Andre Hidalgo, at nakatira sa Barangay Sto. Domingo sa nasabing bayan.

Sa ulat na nakarating kay Cacdac, bandang alas-7:15 ng gabi nang masakote ng pangkat ni Director Archie Grande ang bise alkalde na may ilang kasamang babae sa room 327 ng Sampaguita Hotel.

Ayon kay Cacdac, isinailalim sa dalawang linggong surveillance ang suspek matapos makatanggap ng ulat mula sa ilang impormante na sinasabing gumagamit ng bawal na droga ang nasabing opisyal.

Nasamsam kay Hidalgo ang dalawang plastic sachet ng shabu, at ilang drug paraphernalia habang hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan sa ilang babae na kasama ng suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA RO5 Camarines Sur Provincial Office ang nasabing opisyal kung saan pormal na kakasuhan.

 

Show comments