Delivery truck ng Coca-Cola niratrat: 2 patay

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang na­sawi matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Muslim lawless group ang delivery truck ng Coca-Cola sa ba­yan ng Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Biyernes ng hapon. 

Kinilala ang mga nasawi na sina Conrado Ricohermoso ng Siocon, Zamboanga del Norte at ang salesman na si Joy Estrada; pawang dead-on-the-spot sa insidente. 

Isinugod naman sa Siocon Medical Hospital ang  grabeng nasugatang biktima na si Alvin Lumonah, pahinante ng truck, nasa hustong gulang at residente rin sa Siocon. 

Sa imbestigasyon, sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente sa Barangay Piña, Sirawai, Zamboanga del Norte bandang alas-3:14 ng hapon. 

Kasalukuyang bumabagtas sa highway ng nasabing lugar ang delivery truck (JBP 444) na puno ng kargang produkto ng Coca-Cola na pag-aari ni Constantino So­riano galing Sirawai at patungong Siocon nang paulanan ng bala ng mga armadong suspek pagsapit sa lugar. 

Narekober naman ng mga operatiba ng pulisya ang mga basyo ng bala ng cal .45 pistol. Iniimbestigahan naman ang anggulo ng extortion sa kasong ito.

 

Show comments