Sanggol inilibing nang buhay

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang buhay pa nang ilibing ang bagong silang na sanggol na lalaki ng sariling ama na boyfriend ng dalagang ina na nabuntis nito sa Barangay Manicahan, Zamboanga City.

Arestado naman ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na si Justin Jake Tugunon, boyfriend ng ina ng sanggol na si Ronalyn Bernardo.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Ariel Huesca, tagapagsa­lita ng PRO-9, ipinanganak ni Bernardo ang bata noong Sabado ng hapon kung saan tanging si Tugunon lamang ang kasama nito.

Nabatid na ibinalot pa sa kulay itim na sako ang sanggol saka inilibing sa likuran ng bahay ng pamilya Bernardo.

Nang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya, kinabukasan ay nahukay at nalinisan na ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Chairman Errolyn Natividad ang bangkay ng sanggol.

Ayon pa sa ulat, nagduda ang ina at pamilya ng sanggol na buhay pa ito dahil narinig pa ng dalagang ina ang iyak ng kaniyang anak bago ito inilibing ng boyfriend na sinasabing takot sa responsibilidad.

Sa pahayag naman ng­ suspek sa himpilan ng pu­lisya, patay na ang sanggol ng kaniyang ilibing.

Show comments