Mister kinatay dahil sa kamote

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Napatay ang 53-anyos na mister makaraang pagtatagain ng kanyang kapitbahay na inakusahang nagnakaw ng dahon ng kamote sa Sitio Kalu-ko, Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Barcelona, Sorsogon kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Gubat District Hospital ang biktimang si Aloncio Galan habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Benny Reyes, 38, kapwa may asawa, manggagawa ng nasabing barangay.

Base sa police report, bago naganap ang krimen ay tinungo ng suspek ang may-ari ng plantasyon ng gulay na si Ben Falcotelo upang hu­minggi ng dahon ng kamote para ihalo sa lulutuing hapunan ng kanyang pamilya.

Pinayagan naman ni Falcotelo ang suspek na  kumuha ng dahon ng kamote subalit habang papauwi ay namataan siya ng biktima.

Dito na inakusahan ng biktima ang suspek na pumitas ng dahon ng kamote ng walang paalam sa kanyang plantasyon kung saan nagkainitan ang dalawa na humantong sa pananaga.

Mabilis naman na tumakas ang suspek subalit sumuko rin sa pulisya ilang oras matapos ang krimen.

Show comments