Misis, biyenan initak ng mister

ILAGAN CITY , Philippines - Dahil sa walang nadatnang pagkain sa kusina, pinagtataga sa ulo ang asawa’t biyanan ng 30-anyos na mister na sinasabing lango sa alak sa Barangay Turod Sur sa bayan ng Cordon, Isabela kamakalawa.

Kasalukuyang nakiki­pag­laban kay kamatayan ang mga biktimang sina Jocelyn Galong, 30; at Dolores Gallardo, 50, na kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO4 Bernardino Labog, umuwing senglot ang suspek na si Rex Galong kung saan inaway ang misis nito dahil sa walang nadatnang pagkain sa kusina. Sa tindi ng kanilang pagtatalo ay tinaga ng suspek ang misis nito sa mukha at ulo kung saan isinunod naman ang biyenang sumaklolo upang umawat sa mag-asawa.

Ayon kay SPO4 Labog, dalawang beses na nilang dinakip ang suspek sa pambubugbog sa asawa tuwing nalalasing ito subalit pinapatawad naman ng misis dahil sa pagmamahal.

Hindi na palalampasin ng pulisya ang ikatlong pagkakataong ginawa ng suspek na kaagad na dinakip at kinasuhan.

 

Show comments