Abueva lider sa PBA BPC race
MANILA, Philippines — Halimaw si Calvin Abueva na isa sa tunay na maaasahan ng Magnolia Hotshots sa PBA Season 46 Philippine Cup.
Dahil sa malakas na puwersang ibinuga nito, nasa unahan ng listahan si Abueva sa PBA Season 46 Best Player of the Conference race.
Nagrehistro si Abueva ng impresibong 35.36 Statistical Points (SPs) sa 11 paglalaro nito kung saan mayroon itong averages na 16.1 points, 9.7 rebounds, 3.1 assists, 1.0 steals at 1.3 blocks kada laro.
Hindi naman nasorpresa si Hotshots head coach Chito Victolero sa matikas na laro ng tinaguriang “The Beast” dahil alam nito ang kapasidad ni Abueva na napatunayan na nito sa nakalipas na kumperensiya.
“He’s been a steady presence as early as last year and he was a strong candidate for the MVP. He’s just continuing heat he started. He’s very consistent on both ends of the floor and has been providing the hustle and energy, getting the 50-50 balls, providing the scoring and rebounding. If you can add that up to his stats, he’ll definitely dominate,” ani Victolero.
Nakuha ng Hotshots ang dating Phoenix Fuel Master star na si Abueva sa isang blockbuster trade kapalit ni Chris Banchero.
Ramdam ni Victolero ang determinasyon ni Abueva na matulungan ang Hotshots na makabalik sa finals at kung papalarin ay makuha ang kampeonato.
Nasa ikalawang puwesto sa BPC race si rookie Mikey Williams ng quarterfinals top seed Talk ‘N Text Tropang Giga.
Mayroon itong dikit na 35.30 SPs mula sa averages na 18.4 points, 4.2 rebounds, 3.7 assists, 1.2 steals at 0.1 blocks per game. Nasa No. 1 spot ang dating NBA D-League at US NCAA Division 1 player sa scoring department.
Kabuntot ni Williams sa ikatlong posisyon si Robert Bolick ng NorthPort na galing lamang sa ACL injury na nagpasiklab agad sa kanyang pagbabalik.
- Latest