PVL 2nd conference inilipat sa Pebrero
MANILA, Philippines — Wala na munang Premier Volleyball League (PVL) sa huling bahagi ng taon matapos ilipat ang second conference nito sa Pebrero sa susunod na taon.
Nagpasya ang oganizers na ganapin na lamang sa 2022 ang second conference dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Nauna nang inihayag ng PVL na nais nito sanang magsagawa ng second conference sa Oktubre o Nobyembre subalit ipinagpaliban ito dahil tumaas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID.
Inihayag ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra ang kumpirmasyon matapos itong iparating sa kanyang tanggapan ni PVL president Ricky Palou.
“According to Ricky, they have decided to resume their league in February 2022. He told me that he had a meeting with the team owners and they agreed to let the (CO-VID-19 cases go down first before they hold their second conference),” ani Mitra sa TOPS Usapang Sports.
Tiwala si Mitra na magiging maayos na ang lahat para matagumpay na mairaos ang second confence sa susunod na taon.
Sakaling hindi pa rin humupa ang COVID cases, posibleng ganapin na naman ang susunod na kumperensiya sa isang bubble setup.
“I’m praying the situation improves. We hope for the speedy roll out of vaccines so that the COVID-19 cases will decline. We will probably have the next PVL conference under a bubble setup. We feel that the pandemic will still be around,” ani Mitra.
Matatandaang gumamit ng bubble setup ang PVL nang itanghal nito ang Open Conference na pinagreynahan ng Chery Tiggo Crossovers.
Ginanap ang mga laro sa Bacarra, Ilocos Norte.
Sa oras na maayos na ang lahat, posible ring buksan na ang mga laro sa limitadong bilang ng live audience.
- Latest