Pinas may local transmission na ng Omicron sub-variant
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa makaraan ang masusing pag-aanalisa ng University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), UP-PGC Visayas, Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at mga lokal na epidiomology at surveillance units.
Ayon sa DOH, nakatukoy na sila ng mga kaso sa National Capital Region, Western Visayas Region, at Puerto Princesa City.
Ang lokal na transmisyon ay tumutukoy sa mga lokal na kaso na hindi maikokonekta sa mga kaso na may international ‘travel history’.
Sa mga pinakahuling ebidensya, natukoy na mas nakahahawa ang Omicron BA.2.12.1 dahil sa dagdag na mutasyon nito kumpara sa orihinal na Omicron strain. Hindi naman umano ito naobserbahan na nagdudulot ng malulubhang sakit ngunit nakakatakas ito sa ‘immunity’ ng isang tao.
“Now that we have local transmission of Omicron BA.2.12.1, we must act fast. We are asking our health facilities and local government units to actively look for cases,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Bilang tugon, palalakasin umano ng DOH ang agarang pagtukoy at isolation sa mga pasyente at lalo pang paghahanda sa kapasidad ng ‘health system’. Hindi naman na kailangang ipatupad ang restriksyon sa pagbiyahe at ‘screening at testing’ sa mga border dahil sa may mataas nang ‘vaccination coverage’ ang bansa.
Iginiit naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ngayon na mababa pa ang kaso ang pinaka tamang panahon para magpabakuna na ang hindi pa nakakatanggap ng ‘primary vaccination’ at ‘booster shot’.
- Latest