2 antigen self-test kits inaprub ng FDA
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang dalawang brand ng COVID-19 antigen test kits na maaaring gamiting pampersonal ng publiko kapag nakakaramdam ng sintomas.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi, kinumpirma ni FDA Officer-in-Charge Oscar Gutierrez na ang naturang mga antigen self-test kits ay gawa ng Abbott at Labnovation Technologies, Inc. na parehong nakatanggap na ng sertipikasyon.
Sa kabila nito, mayroon nang kabuuang 86 antigen test kits ang inalis na sa merkado makaraang hindi maabot ang pamantayan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Pinayuhan naman ni Gutierrez na huwag na lamang umasa ang publiko sa pagsusuri sa sarili gamit ang nabibiling antigen test kits bagkus ay ang pagpapabakuna pa rin ang pangunahing paraan para makaiwas sa virus at pagsunod sa minimum health protocols.
Hinikayat rin niya ang publiko na tanging mga self-test kits na sertipikado lamang ng FDA ang bilhin mula sa mga drug outlets na lisensiyado ng kanilang tanggapan.
- Latest