Kaso ni Lolo Narding, pang barangay lang dapat- solon
MANILA, Philippines — Hindi na dapat ipinaabot sa presinto dahil pang barangay lamang nireresolba ang usapin ni Lolo Narding Floro, ang 80-anyos na inaresto at kinasuhan sa Pangasinan noong Biyernes dahil lamang umano sa pagnanakaw ng ilang kilo ng mangga na itinanim nito.
“Nahabag ako sa sinapit ni Lolo Narding Floro na kinasuhan ng kapitbahay at inaresto ng PNP sa Pangasinan na kinalaunan ay kinailangan pang magpiyansa,” pahayag ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes.
“Pang-barangay lamang ang nangyari pero pinalaki na nang husto ng may-ari ng lupa kung saan pinitas umano ang sampung kilong mangga. Iyon palang malaking kawalan na ng hustisya, tapos itong mga PNP Asingan hindi man lang nag-isip sapagkat maaari naman nilang ipaubaya sa Barangay Chairman ang sitwasyon para hindi na lumaki ang isyu,” anang Kongresista.
Nabatid na nakalaya na ang Octogenarian matapos mag-ambag ang mga pulis para piyansahan ang matanda ng P6,000.
Sinabi ni Ordanes, Chairman ng House Committee on Senior Citizens na maari namang gamitin ng mga pulis ang kanilang diskresyon lalo pa at minor na offense lamang ang ipinaparatang sa lolo.
“Katarungang pambarangay na usapin lang dapat iyan, pero pinatulan ng pulis. This is not the first time hapless seniors are harassed and unjustly treated harshly,” anang Kongresista.
Binigyang diin ni Ordanes na ito ang dahilan kung bakit niya isinusulong ang panukalang batas laban sa pang-aabuso sa mga matatanda.
Samantalang hiniling din ni Ordanes kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na panghimasukan ang kasong ito saka atasan ang Asingan Police at Brgy. Chairperson na iimplementa at irespeto ang Katarungang Pambarangay sa mga kaso na naabuso ang mga matatanda.
- Latest