Kaso ng Delta variant nadagdagan ng 319
MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ng 319 bagong kaso ng Delta variant ang Pilipinas makaraan ang resulta ng ginawang ‘whole genome sequencing’ ng Department of Health (DOH) nitong Setyembre 18.
Umaabot na ngayon sa 3,027 o 24.16% ng total 12,530 sequenced samples, ang kabuuang bilang ng Delta variant cases sa bansa.
Nalampasan na nito ang Beta variants na nakapagtala ng 21.82% o 2,734 ng sequenced samples at ang Alpha variants na nasa 19.64% o 2,461 kaso naman. Dalawang kaso ng Gamma variant din ang naitala habang isa naman ang Lambda variant.
“This (Delta) variant is now the most common lineage among sequenced samples as of the latest whole genome sequencing run,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa 319 bagong Delta variant cases, 40 ang natukoy mula sa Region 2; 31 sa Caraga; 26 sa Calabarzon; 24 sa National Capital Region (NCR); at 24 din mula sa Region 1.
Sa naturang bilang, 18 lamang ang mga returning overseas Filipinos (ROFs).
Siyam ang Beta variant cases at 13 Alpha variant cases din ang natuklasan sa huling resulta ng sequencing.
- Latest