10 milyong doses ng Pfizer ibibigay ng US sa Pinas
MANILA, Philippines — Magbibigay pa ang World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng COVAX facility ng 10 milyon doses ng Pfizer.
Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang bakuna ay donasyon ng gobyerno ng Amerika.
“Nagkaroon na ng official pronouncement ang WHO for additional delivery of 10 million doses of Pfizer. Nagpapasalamat din kami sa WHO sa kanilang masipag na pagfollow-up sa ating mga donors,” ani Galvez.
Ayon pa kay Galvez, unang nangako ang US government ng 6 milyon doses pero sinabing daragdagan pa ng 4.5 milyon doses.
Sinabi ni Galvez na kapwa nagtungo sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Amerika upang magpasalamat sa U.S. government.
Nasa 54.5 milyon doses ng bakuna na panlaban sa COVID-19 ang natatanggap ng Pilipinas kung saan 13 milyon ay mula sa COVAX facility at 3.6 milyon ang donasyon ng ibang bansa.
- Latest