Hoffman hihirit ng Paris Olympic berth
MANILA, Philippines — Matapos si World No. 2 pole vaulter EJ Obiena, umaasa rin si Lauren Hoffman na magiging kinatawan ng Pilipinas sa athletics event ng 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Ipinakita ng Fil-Am hurdler na kaya niyang makakuha ng Olympic berth matapos magposte ng bagong national record sa women’s 400-meter hurdles.
Itinakbo ni Hoffman ang gold medal sa Hurricane Collegiate Invitational sa Coral Gables, Florida at ipinoste ang bagong Philippine mark na 56.39 segundo sa nasabing event.
Binura ng 24-anyos na si Hoffman ang two-year-old Philippine record na 56.44 segundo na inilista ni Robyn Brown sa nakaraang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam noong 2022.
Sumegunda si Dominique Mustin ng United States sa kanyang 57.02 segundo kasunod ang terserang si Zoe Pollock ng Great Britain na nagposte ng 57.54 segundo.
Kumpiyansa si Hoffman na makakalaro siya sa Paris Olympics via direct qualification kung makukuha ang 50.95 segundo sa 400m at 54.85 segundo sa 400m hurdles.
Bukod kay Obiena, ang iba pang nakakuha na ng Olympic ticket ay sina boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas at gymnasts Caloy Yulo at Aleah Finnegan.
- Latest