Magnolia didikit sa ‘twice-to-beat’

MANILA, Philippines — Babangon ang Magnolia mula sa una nilang kabiguan para makalapit sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.

Lalabanan ng Hotshots ang Terrafirma Dyip ngayong alas-8 ng gabi matapos ang bakbakan ng Phoenix Fuel Masters at NorthPort Batang Pier sa alas-4 ng hapon sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Hawak ng Magnolia ang solong liderato bitbit ang 7-1 record kasunod ang Phoenix (6-1), Meralco (6-1), NorthPort (5-3), San Miguel (5-3), Ginebra (4-3), TNT Tropang Giga (4-3), Rain or Shine (3-5), Terrafirma (2-5), NLEX (2-6), Blackwater (1-7) at Converge (1-7).

Nagmula ang Hotshots sa 110-113 kabiguan sa Elasto Painters noong Sabado sa Cagayan De Oro City na dumungis sa dati nilang malinis na baraha.

Nasa four-game lo­sing skid naman ang Dyip kasama ang 94-103 overtime loss sa FiberXers.

Sa inisyal na laro, itutuloy ng Fuel Masters sa lima ang kanilang pananalasa sa pagharap sa Batang Pier para mapalakas ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals.

“It’s good we’re in the quarterfinals right now, but we still need to win some more and, hopefully, get that twice-to-beat advantage,” sabi ni Phoenix coach Jamike Jarin sa kanilang pagharap sa NorthPort.

Show comments