Gilas vs Iran sa quarter finals

Ang reaksyon ni Gilas Pilipinas guard Chris Ross sa isang no-call laban sa isang Qatar defender sa 19th Asian Games.

MANILA, Philippines — Halos hindi na kinaila­ngan ng Gilas Pilipinas si Justin Brownlee tungo sa higanteng 80-41 panalo kontra sa Qatar upang makapasok sa quarter finals ng 2023 Asian Games men’s basketball tournament kahapon sa Zhe­jiang University Zijingang Gymnasium.

Walong minuto lang pumarada si Brownlee sa first quarter pero nakapag­lista pa rin ng 9 puntos at 5 rebounds para sa Gilas na mabilis bumalikwas ma­tapos ang masaklap na 87-62 pagkatalo kontra sa Jordan.

Trumangko sa Natio­nals sina June Mar Fajardo at CJ Perez na may tig-12 puntos habang kumamada ng 11 puntos si Calvin Oftana sa napukol na 3 tres.

Solido ring ang suporta ni Japeth Aguilar na may 9 points habang nag-ambag din ng tig-8 puntos sina Kevin Alas at Ange Kouame.

At bagama’t wala pa halos pahinga, sasalang uli agad sa court ang Gilas sa quarterfinals kontra sa Iran ngayong alas-12 ng tanghali.

Halos dalawang araw ang pahinga ng Iran matapos walisin ang Group A hawak ang 3-0 kartada.

Nauwi pa kasi ang Gilas sa knockout qualification matapos matalo sa Jordan para sa No. 1 seed ng Group C sahog ang diretsong tiket sa quarterfinals.

Sa kabila nito, hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang Nationals nang sumakay sa 33-14 ratsada sa first quarter kontra sa Qatar tungo sa kumbinsidong 39-point win.

Show comments