Flying Titans ikakasa ang Finals vs Vietnam 2

MANILA, Philippines — Kakapitan ng Choco Mucho si Sisi Rondina sa pagsagupa nila sa Vietnam 2 sa semifinals ng 17th VTV Cup 2023 na lalaruin sa Lao Cai City Gymnasium sa Lao Cai Province, Vietnam ngayong gabi.

Makakatuwang ni former UAAP MVP Rondina sina Des Cheng at Cherry Nunag para maka-resbak sa Vietnam squad na tuma­lo sa kanila sa preliminary round.

Magsisimula ang banatan sa alas-6 ng gabi habang magkakaliskisan ang Vietnam 1 at Kansai sa alas-otso.

Itinarak ng Flying Titans ang 3-2 karta matapos talunin ang Suwon City, 16-25, 22-25, 25-19, 25-17, 15-11, dahilan para luman­ding ang Pinays sa No. 3 spot.

Nasa No. 2 ang Vietnam 2 na may 4-1 record habang walang mantsa sa limang laro ang Vietnam 1 na makakalaban ang No. 4 na Kansai University of Social Welfare (2-3) sa isang pares ng semis.

Muntik pang malaglag ang Flying Titans, nalubog sila sa unang dalawang sets dahil sa matikas na laro nina Young-in Yoon at Kim Bo-Been ng Suwon City.

Subalit nagsanib pu­wersa sina Cheng, Nunag at Rondina para akayin ang Flying Titans sa panalo at isampa sa sumunod na phase.

Show comments