Pinoy lifters naka-ginto, pilak sa World Youth
MANILA, Philippines — Bumuhat ang national junior weightlifting team ng isang ginto at isang pilak na medalya sa pagsisimula ng prestihiyosong 2023 IWF World Youth Championships na ginaganap sa Durres, Albania.
Matikas sina Prince Keil Delos Santos at Eron Borres na dinomina ang men’s 49kg. division upang maibigay ang unang dalawang medalya ng Pilipinas sa naturang torneo.
Bumuhat si Delos Santos ng kabuuang 205 kgs. (total) mula sa 92 kgs. sa snatch at 113 kgs. sa clean and jerk para masiguro ang gintong medalya.
Nakumpleto naman ni Borres ang 1-2 punch ng Pinoy squad nang magtala ito ng kabuuang 201 kgs. (total) matapos magtala ng 87 kgs. sa snatch at 114 kgs. sa clean and jerk para angkinin ang pilak na medalya.
Pumangatlo lamang si Dhanush Loganathan ng India na nakalikom ng 200 kgs. sa total galing sa 88 kgs. sa snatch at 112 kgs. sa clean and jerk.
“I started the sport through a friend’s influence, at the age of 9. After that, I fell in love with weightlifting and I never stopped. When I was recruited to the national team, I understood that I had potential and that I could be successful in the sport,” ani Delos Santos.
Ito ang ikalawang major international tournament ni Delos Santos na nakapagpartisipa na rin sa 2022 Asian Youth Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
- Latest