Tropang Giga, Ginebra target ang 2-0 lead
MANILA, Philippines — Pipilitin ng nagdedepensang Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga na maitarak ang 2-0 lead sa kani-kanilang 2023 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series.
Lalabanan ng Gin Kings ang San Miguel Beermen ngayong alas-6:45 ng gabi matapos ang laro ng TNT Tropang Giga at Meralco Bolts sa alas-4:30 ng hapon sa Game Two sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si center Christian Standhardinger ng 33 points, 10 rebounds at 6 assists sa 121-112 pagbasag ng Ginebra sa SMB sa Game One noong Biyernes.
Sinandalan ng Gin Kings sina Standhardinger, Jamie Malonzo at import Justin Brownlee sa dulo ng fourth quarter nang makatabla ang Beermen sa 95-95 matapos bumangon mula sa 21-point deficit.
“So I think that’s the big lesson that we need to get out of it and that is to keep pushing and keep playing the best defense we can play,” sabi ni Standhardinger.
Hangad din ng TNT na makubra ang ikalawang sunod na panalo sa Meralco sa kanilang semis showdown matapos kunin ang 110-80 tagumpay sa Game One.
Kumolekta si import KJ McDaniels ng 12 points at 14 rebounds sa panig ng Bolts.
- Latest