Flying Titans buwenamano sa PVL All-Filipino Cup

MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa si­na Maddie Madayag, Kat Tolentino at Bea De Leon para igiya ang Choco Mu­cho sa 25-15, 25-20, 25-20 pa­nalo sa Akari sa Pre­mier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tangan agad ang 1-0 karta, masaya si bagong Flying Titans’ coach Dante Alinsunurin sa ipinakitang hu­say ng kanyang tropa at sa una nitong panalo sa PVL.

“Sobrang saya sa na­ging panalo namin. This is my first win in the PVL, so ramdam na ramdam ko talaga ang pagka-panalo namin,” ani Alinsunurin.

Kumana ng tig-11 points sina Tolentino, De Leon at Madayag, habang bumakas ng 10 markers si Isa Molde para sa Choco Mucho na gamay na ang sis­tema ni Alinsunurin.

“All teams are actually eyeing to make it to Top 4 but we’re targeting the final three spots,” ani Madayag.

Nakalamang ng dalawang puntos ang Power Chargers sa third frame, 13-11, pero hindi mapigilan sina Madayag, Tolentino at De Leon.

Umarangkada ng 5-1 run ang Flying Titans para agawin ang 16-14 bentahe hanggang dulo.

Tumipa si Dindin Santiago-Manabat ng 17 mar­kers sa panig ng Akari.

Show comments