James inihatid sa panalo ang Lakers

LOS ANGELES — Kumolekta si LeBron James ng 31 points, 8 assists at 7 rebounds habang umiskor si Austin Reaves ng season-high na 22 points para pamunuan ang La­kers sa 128-109 panalo sa Portland Trail Blazers.

Nagposte si Anthony Davis ng 27 points at 12 rebounds para sa ikaanim na panalo ng Los Angeles (8-12) sa huling walong laro.

Umiskor naman si Jerami Grant ng 27 points para sa Portland (11-11) at may 22 at season-high na 21 markers sina Anfernee Simons at Justise Winslow, ayon sa pagkakasunod.

Mula sa 66-62 abante sa halftime ay pinalobo ng Lakers ang kanilang kalamangan sa 97-82 pag-iwan sa Blazers sa third quarter patungo sa panalo.

Sa New York, humakot si Giannis Antetokounmpo ng 37 points, 13 rebounds at 7 assists sa 109-103 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (15-5) sa Knicks (10-12).

Sa Phoenix, kumabig si Devin Booker ng season-high na 51 points at nag­lista si Deandre Ayton ng 30 points at 14 rebounds sa 132-113 pagsunog ng Suns (15-6) sa Chicago Bulls (9-12).

Sa Denver, nagtala si Jamal Murray ng 26 points sa 120-100 paggupo ng Nuggets (14-7) sa Houston Rockets (5-16).

Sa New York, nagpasabog si Kevin Durant ng 39 points sa 113-107 panalo ng Brooklyn Nets (12-11) sa Washington Wizards (11-11).

Sa Sacramento, tumipa sina Harrison Barnes at Malik Monk ng tig-22 points para akayin ang Kings (11-9) sa 137-114 dominasyon sa Indiana Pacers (12-9).

Show comments