La Salle, Adamson mag-uunahan para sa huling semifinal berth

CJ Austria
UAAP

MANILA, Philippines — Isang tiket na lamang ang pag-aagawan sa Final Four ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament.

At ang De La Salle University at Adamson University ang dalawang kopo­nang maglalaban para sa na­sabing posisyon.

Sasagupain ng Green Archers ang sibak nang Uni­versity of the East Red Warriors ngayong alas-3 ng hapon at lalaba­nan ng Soaring Falcons ang Natio­nal University Bulldogs sa alas-11 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.

Sa ala-1 ng hapon mag­tatapat ang mga talsik nang Far Eastern University Tamaraws at University of Santo Tomas Growling Ti­gers at magkikita ang nag­­dedepensang Univer­sity of the Philippines Figh­ting Maroons at Ateneo Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi.

Bitbit ng UP ang 11-2 re­cord kasunod ang Ateneo (9-3), NU (9-4), La Salle (6-6), Adamson (6-6), UE (4-9), FEU (4-9) at UST (1-11).

Kasalukuyang nasa three-game winning streak ang Green Archers tampok ang 63-58 paggupo sa Bull­dogs noong Miyerkules.

“We needed this win be­cause we’re aiming to be in the Final Four,” sabi ni La Salle guard Penny Estacio na humataw ng kabuuan ni­yang 13 points sa third period para ungusan ang NU.

Susunod na lalabanan ng Green Archers ang Growling Tigers sa Miyer­kules.

Kailangang manalo ng Soaring Falcons laban sa Bulldogs at sa Blue Eagles sa Miyerkules para sa tsansa sa huling Final Four spot.

Kung magtatapos sa magkaparehong baraha ang La Salle at Adamson ay maglalaban sila sa isang playoff game para sa No. 4 ticket.

Samantala, target naman ng Ateneo ang ikalawang ‘twice-to-beat’ bonus sa Final Four laban sa UP.

Show comments