Dragons ibinunton ang galit sa Beermen

Tinakasan ni SMB guard Chris Ross si 7-foot-5 Bay Area center Liu Chuanxing.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang guest team na Bay Area na mahulog sa ikalawang su­nod na kabiguan.

Humakot si import An­drew Nicholson ng 39 points at 12 rebounds para banderahan ang Dragons sa 113-87 paggupo sa San Miguel sa 2022 PBA Commissioner’s Cup ka­ha­pon sa Smart Araneta Coliseum.

Bumalikwas ang Bay Area mula sa naunang 93-111 kabiguan sa Barangay Ginebra para ilista ang 5-1 baraha sa ilalim ng lider na Magnolia (4-0).

Ito naman ang ikalawang kabiguan ng San Mi­guel, hindi nakuha ang ser­bisyo ni six-time PBA MVP June Mar Fajardo na sumailalim sa surgery sa kan­yang throat injury, sa tatlong laro.

“He’s maybe the best pla­yer in the competition. They played off him and they won a championship,” wika ni coach Brian Goorjian kay Fajardo.

Nagdagdag si Hayden Blankey ng 17 points para sa Dragons, habang may tig-16 markers sina Zhu Songwei at Kobey Lam.

Pinangunahan ni CJ Pe­rez ang Beermen sa kanyang tinapos na 19 points kasunod ang 15 mar­kers ni Vic Manuel.

Nalimitahan naman si import Diamond Stone sa 11 points.

Maagang nakapagtayo ng double-digit lead ang Bay Area sa opening period, 28-17, bago ito palakihin sa 30-point lead, 86-56, sa huling 1:04 minuto ng third quarter.

Hindi na ito napaliit ng San Miguel sa final canto kung saan sila naiwanan sa 84-106 sa 1:53 minuto.

Show comments