Green hindi muna sasama sa Warriors

SAN FRANCISCO, Philippines — Nagpasya si Draymond Green na pansamantalang humiwalay sa defending NBA champions na Golden State Warriors.

Ito ay matapos niyang suntukin sa mukha ang kanyang teammate na si Jordan Poole sa kanilang ensayo noong Miyerkules.

Ang aksyon ni Green ay tinawag ni Warriors’ coach Steve Kerr na isang “mutual decision” at hind pa alam kung kailan babalik ang veteran forward.

Sinabi ni Green na hindi maganda ang kanyang araw nang sandaling iyon kaya niya nasuntok si Poole.

“But I also look forward to continuing to better myself and my emotional state and how I deal with my emotions,” ani Green.

Nakita sa isang footage ang paglapit ni Green kay Poole sa baseline at nakipagbanggaan ng dibdib.

Itinulak ni Poole si Green papalayo, ngunit bigla si­yang sinuntok nito sa mukha.

Inaasahan ni Kerr na maglalaro si Green sa NBA season-opener ng Golden State sa Oktubre 18.

Si second-year forward Jonathan Kuminga ang papalit kay Green sa preseason game ng Warriors laban sa Los Angeles Lakers ngayon.

Samantala, humataw si Trae Young ng 31 points sa first half para banderahan ang 118-109 panalo ng Atlanta Hawks sa Milwaukee Bucks sa kanilang preseason game sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Nagsalpak si Young ng 7-of-9 shooting sa 3-point line.

Show comments