Cvjovic papalo para sa Crossovers

MANILA, Philippines — Hindi rin pakakabog ang dating Open Conference champion Chery Tiggo na humugot na rin ng import para sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na papalo sa Oktubre 8.

Kinuha ng Crossovers ang serbisyo ni Jelena Cvijovic ng Montenegro na beterano na sa mga international competitions dahil ilang bansa na ang nilaruan nito.

Nasilayan na sa aksyon ang 6-foot-1 outside hitter sa Serbia, Romania, Greece at Turkey.

Huling naglaro si Cvijovic para sa SCM Craiova sa 2022 Romanian League.

Bahagi rin si Cvijovic ng national team ng Montenegro na nasilayan sa aksyon sa CEV Volleyball European League and Championship at sa FIVB World Championship - European Qualification.

Makikipagsabayan si Cvijovic sa matitikas na imports sa kumperensiyang ito kabilang na si American outside hitter Lindsay Stalzer ng F2 Logitisics at three-time Olympian Prisilla Rivera ng Akari Chargers.

Bago ang mukha ng Crossovers na dumaan sa rebuilding sa off season.

Ilan lamang sa mga natira sa lineup sina Dindin Santiago-Manabat, Mylene Paat, EJ Laure, Shaya Adorador, Jasmine Nabor, Alina Bicar, May Luna, Bu­ding Duremdes at Czarina Carandang.

Bago sina Jaycel Delos Reyes, France Ronquillo at Rachelle Roldan.

Wala na sa lineup si middle blocker Maika Ortiz na lumipat sa Choco Mucho Flying Titans.

Target ng Crossovers na malampasan ang eighth place finish nito sa nakalipas na PVL Open Confe­rence.

Show comments