Pacquiao babalik sa pro boxing?

Manny Pacquiao.
STAR/File

Charity match kay Yoo senyales na nga ba

MANILA, Philippines — Magkakaiba ang statement sa loob ng Team Pacquiao hinggil sa posib­leng pagbabalik ng eight-division world champion sa mundo boxing.

Nakatakdang harapin ni Pacquiao si South Korean YouTuber DK Yoo sa isang charity match sa Disyembre na gaganapin sa Seoul, South Korea.

Dahil dito, kumalat ang usap-usapang posibleng senyales na ito sa pagbabalik sa boxing ng Pinoy world champion.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na wala pa itong balak bumalik sa boxing matapos ang nabigong karera sa Presidential election noong Mayo.

Subalit para kay chief trainer Buboy Fernandez, maaaring ang charity match ang hudyat sa muling pagtungtong ni Pacquiao sa professional boxing.

“Maaring sign ito pero depende sa magiging performance niya. Kahit naman exhibition lang yan kailangan pa rin paghandaan,” ani Fernandez.

Sasalang si Pacquiao sa six-round match kay Yoo.

Iginiit ni Fernandez na nasa kamay pa rin ni Pacquiao ang huling desisyon kung babalik ito sa ring o tuluyan nang magreretiro at iiwan ang pro boxing.

Nakaabang lamang ito sa pinal na desisyon ni Pacquiao at handa itong tulungan sa training ang Pinoy champion sa oras na naisin nitong mag ‘comeback’ fight.

“Nasa kanya ang desisyon kung gusto niya bumalik as a professional boxer. Suporta lang kami sa kanya kung ano ang magiging desisyon niya,” ani Fernandez.

Para kay Hall of Famer Freddie Roach, wala nang dapat pang patunayan pa si Pacquiao dahil makailang ulit na itong naging world champion at nagbigay ng karangalan sa bansa.

Hindi na mabubura ang pangalang Pacquiao sa mundo ng boxing dahil siya lamang ang nag-iisang eigt-division world champion — bagay na mahirap pantayan.

Show comments