Lady Pirates pinataob ang Lady Knights

MANILA, Philippines — Mabilis na napigilan ng Lyceum of the Philippines University ang pu­wersang inilatag ng Colegio de San Juan de Letran para kubarahin ang 25-14, 25-22, 28-30, 25-12 panalo kahapon sa National Collegiate Athletic Association Season 97 wo­men’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila.

Sumulong ang Lady Pirates sa 3-2 rekord para makuha ang ikatlong pu­westo habang lumasap ang Lady Knights ng ikaapat na kabiguan para malaglag sa 1-4 baraha.

Mainit sina Zonxi Dahab at Johna Dolorito matapos bumanat ng parehong 18 puntos para manduhan ang Lady Pirates sa panalo.

Nagdagdag pa sina Janeth Tulang at Jewel Maligmat ng tig-11 puntos para makatuwang sina Dahab at Dolorito sa opensa.

Hataw naman si Venice Puzon ng 32 excellent sets habang nagsilbing lider sa floor defense si Camille Belaro matapos umiskor ng 32 digs at 15 excellent receptions.

Nangibabaw para sa Letran si Shereena Urmenta na umiskor ng 10 points at 11 digs.

Nasayang din ang 12 digs at 15 excellent receptions ni Lara Silva.

Dikdikan ang laban sa fourth set nang magpa­kawala ang Lady Pirates ng 12-0 bomba upang matamis na kunin ang panalo.

Magpapatuloy ang bakbakan ngayong araw tampok ang duwelo ng San Sebastian College-Recoletos at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-12 ng tanghali kasunod ang engkuwentro ng San Beda University at Emilio Aguinaldo College sa alas-2:30 ng hapon.

Show comments