PSC hahanap ng dagdag na pondo para sa paglahok ng Team Philippines sa Vietnam SEAG

MANILA, Philippines — Maghahanap ang Philippine Sports Commission (PSC) ng karagdagang pondo para sa national delegation na isasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.

Sinabi kahapon ni PSC Commissioner at Team Phi­lippines Chef De Mission Ramon Fernandez sa ‘Power and Play’ program ni Noli Eala na hihingi sila ng tulong kay Philippine Olympic Committee (POC) president at Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

“We’ll see where we can source out the others (funds) with the help of Cong. Bambol,” ani Fernandez. “Maybe hopefully we can request for contingent or more funds from DBM (Department of Budget and Management) as we will be able to compute how much it will cost.”

Mula sa dating P200 milyon ay P71 milyon na lang ang natira sa pondo ng PSC para sa national delegation na ilalahok sa Hanoi SEA Games.

Nabigyan ang sports agency ng Kongreso ng dagdag na P50 milyon.

Dahil sa kakapusan ng pondo ay napilitan ang POC na bawasan sa 584 ang bilang ng mga national athletes na isasalang sa b­iennial event na nakatakda sa Mayo 12-25.

May 80 pang atletang hindi naisama sa 584 at posibleng gamitin ang ‘have money, will travel’ policy ng POC para makasali sa Hanoi SEA Games.

Idedepensa ng Team PHL ang overall cham­pionship na nakamit noong 2019 Manila SEAG.

Show comments