Suns todo-kapit sa No. 1 spot; Pacers lusot sa Warriors sa OT

Sinaksakan ni Devin Booker ng Phoenix Suns si Dwight Powell ng Dallas Mavericks sa first half.

Pinatibay ng Phoenix Suns ang kapit sa No. 1 spot sa NBA at Western Conference habang tinakasan ng Indiana Pa­cers ang Golden State Warriors sa overtime.

Sa Dallas, humataw si Devin Booker ng 28 points para igiya ang NBA-leading Suns (35-9) sa 109-101 paggupo sa Mavericks (26-20) diretso sa kanilang pang-limang sunod na pananalasa.

Ito ang pang-siyam na sunod na panalo ng Phoenix sa Dallas sa kanilang one-on-one series at walisin ang season-high, five-game road trip.

Matapos makadikit ang Mavericks sa 99-101 agwat sa 2:56 minuto ng fourth period ay nagtuwang naman sina Chris Paul, Mikal Bridges at Bismack Biyombo para ibigay sa Suns ang 107-99 abante sa huling 19 segundo.

Sa San Francisco, tumipa si rookie Chris Duarte ng 27 points, 7 rebounds at 3 assists para igiya ang Pacers (17-29) sa 121-117 overtime win laban sa Warriors (32-13).

Dumiretso ang Pacers sa ikalawang sunod na panalo.

May 39 points si Stephen Curry sa panig ng Warriors na nanatili sa No. 2 spot sa NBA at Western Conference.

Sa New York, pumitas si center Jonas Valanciunas ng 18 points at 10 boards para tulungan ang New Orleans Pelicans (17-28) sa 102-91 pagdaig sa Knicks (22-24).

Nagdagdag si Josh Hart ng 17 points at may tig-15 markers sina Brandon Ingram at Devonte’ Graham para sa New Orleans.

Show comments