Pacquiao mapapalaban sa app version ni Carlsen

Masusukat ang tikas ni Manny Pacquiao sa chess sa nakatakdang pakikipaglaban kay 10-year-old app version Norwegian chess champion Magnus Carlsen sa Magnus Carlsen Celebrity Charity Challenge.

MANILA, Philippines — Masusubukan ang husay ni Pinoy boxing legend Manny Pacquiao sa isang online chessboard sa kanyang pagharap sa 10-year-old app version ni Norwegian chess champion Magnus Carlsen sa Magnus Carlsen Celebrity Charity Challenge.

Kapag walang laban ay nakikitang naglalaro ng chess ang fighting senator sa kanyang tahanan.

“I can’t wait to see how the legendary Manny Pacquiao does against a 10-year-old me on the Play Magnus app,” ani Carlsen, isang four-time world chess champion.

Si Pacquiao ang pinakabagong sikat na personalidad na lalahok sa nasabing celebrity charity challenge na isasaere sa Finals event ng Meltwater Champions Chess Tour.

Nakatakda ang Tour broadcast sa Oktubre 1.

Ang iba pang celebrities na sumabak sa charity event ay sina Kristofer Hivju, Rainn Wilson, Joe Mantegna, Sal Khan, Liv Boeree, Sam Bankman-Fried, Maximilian Gunther at Cuba Gooding Jr.

Wala pang celebrity na nananalo kay Carlsen sa kanyang “Play Magnus app” kung saan ang pinakamatagal na laban ay tumagal ng 49 moves.

Bilang paglahok sa celebrity challenge ay tatanggap si Pacquiao ng $5,000 na kanyang ido-donate sa mapipili niyang charity at kung mananalo ay makakakuha siya ng karagdagang $50,000.  

Show comments