Jaja salang agad sa ensayo sa Japan
MANILA, Philippines — Simula na ng pukpukang ensayo si national mainstay Jaja Santiago matapos makumpleto ang quarantine period nito sa Tokyo, Japan.
Dahil dito, binigyan na ng go signal si Santiago para makasama ang Saitama Ageo Medics sa training camp nito.
Bago pa man dumating si Santiago, nagsimula na ang matinding ensayo ng Ageo Medics para sa nalalapit na pagbubukas ng Japan V.League.
Masaya ang buong tropa ng Ageo Medics na muling masilayan si Santiago na sariwa pa sa matagumpay na kampanya sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference.
Masaya ang mga katropa nito sa Ageo Medics sa tagumpay ni Santiago sa PVL kung saan tinulungan ang Chery Tiggo na masungkit ang Open Conference title.
Bukod sa kampeonato, nasungkit din ng 6-foot-5 Pinay spiker ang Conference at Finals MVP titles.
Hangad ni Santiago na madala nito ang magandang momento sa Ageo Medics.
“Maganda ang experience ko sa PVL. Talagang na-boost yung confidence ko and sana madala ko yung momentum sa V.League,” ani Santiago.
Alam ni Santiago na hindi ganun kadali ang makuha ang kampeonato sa V.League.
Subalit handa itong magsakripisyo upang maabot ang inaasam na korona.
“Kailangang magtrabaho para makuha yung target namin. Train harder, yun ang kailangan ko para matulungan ang team,” ani Santiago.
- Latest