Hotshots ipinasok ni Abueva sa Quarterfinals

Naghanap ng mapapa­sahan si Calvin Abueva ng Magnolia nang ma­sukol ni Sidney Onwu­bere ng NorthPort.
PBA Image

SMBeer sa quarters na rin

MANILA, Philippines — Ipinasok ni Calvin Abueva ang Magnolia sa quarterfinal round matapos isalpak ang buzzer-beating basket para makaeskapo sa NorthPort, 90-89, sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Itinaas ng Hotshots ang kanilang record sa 7-3 para sumama sa TNT Tropang Giga (9-1) at Meralco Bolts (6-2) sa eight-team quarterfinals cast.

“That’s our goal today,” ani Magnolia coach Chito Victolero sa kanilang pag-abante sa quarters. “We talked about focus and at the same time what is at stake in this game.”

Ang panalo ang nagpa­lakas sa tsansa ng Hotshots para sa ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ incentive sa quarters.

Kumolekta si Abueva na may 15 points, 5 rebounds, 4 assists at 4 steals at humakot si big man Ian Sangalang ng game-high 26 markers at 10 boards para pamunuan ang Magnolia.

Nagdagdag sina Mark Barroca at Rome Dela Rosa ng tig-10 puntos, ang gumawa ng inbound para sa game-winning basket ni Abueva.

Nalasap naman ng NorthPort ang kanilang ikalawang sunod na kamalasan para sa 4-5 baraha.

Ibinigay ni Kevin Ferrer sa Batang Pier ang 89-88 abante sa huling 3.9 segundo na sinundan ng timeout ni Victolero para plantsahin ang play ng Hotshots kay Abueva sa nalalabing 2.6 segundo.

Sa ikalawang laro, u­mabante rin ang San Miguel Beermen sa quarters nang patumbahin ang Phoenix Fuel Masters, 110-80, tampok ang 24 points ni CJ Perez.

Nag-ambag si Moala Tautuaa ng 19 markers at may 18 at 16 points sina June Mar Fajardo at Arwind Santos, ayon sa pagkakasunod, para sa 6-3 marka ng Beermen at inihulog ang Fuel Masters sa 4-7.

Show comments